Sinulong ni Super Grandmaster Wesley So ang pangalawang sunod­ na draw para sumalo sa five-way tie sa third place matapos ang fourth round ng Sinquefield Cup 2017 sa Saint Louis, Missouri.

Nakalikom si world No. 2 player So ng 2 points matapos makipag­hatian ng puntos kay GM Peter Svidler ng Russia sa 29 moves ng Giuoco Piano.

Nauwi rin sa draw ang laban ni So kay GM Hikaru Nakamura ng USA sa round three sa 10-player, single round robin event.

Kasalo ni 23-year-old So sina reigning World Champion GM Magnus Carlsen ng Norway, Russian GM Sergey Karjakin, former World Champion GM Viswanathan Anand ng India at GM Levon Aronian ng Armenia.

Solo sa tuktok si GM Maxime Vachier-Lagrave ng France sa 3 points matapos gulatin si Carlsen sa 71 sulungan ng English.

Nasa second spot si GM Fabiano Caruana­ ng USA bitbit ang 2.5 points.