Pinakita ulit ni Grandmaster Eugene Torre na isa pa rin siya sa mga pinakamahusay sa edad 65 nang bitbitin ang kampanya ng bansa sa 42nd Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan noong September.

Makaraan ang record-breaking 23rd appearance sa biennial chess tournament, tinanghal si Torre na best player ng buong torneo nang hindi nakatikim ng talo sa paglikom ng 10 points sa possible 11 sa likod ng nine wins at two fighting draws.

Kahit ang kabuuan niyang iskor ang pinakamataas sa lahat ng kasali, nagkasya lang si Torre sa tersera sa Board 3 base sa format na ang magwawagi ay ang player na may highest performance rating.

Pinamalas ni Torre ang pinakamahusay na kampanya ng bansa sa “Olympics of Chess”. Ito rin ang u­nang medalya ni Torre sa torneo sapul nang maka-silver sa Board 1 (9 wins, 1 draw) noong 1974 Olympiad sa Nice, France nang makuha niya rin ang Grandmaster title, pinakauna sa lahat sa Asia noong panahong iyon.

Igagawad kay Torre ang Lifetime Achievement Award sa Philippine Sportswriters Association Annual Awards Night hatid ng San Miguel at MILO sa February 13 sa Le Pavilion sa Roxas Blvd., Pasay.

Ang most accomplished Filipino chess player of all time ang isa sa top awardees na kikilalanin ng oldest media organization sa bansa sa taunang pagsasama-sama ng mga sporting heroes at heroines na suportado rin ng CIGNAL/Hyper TV.

Bilang Lifetime Achievement awardee, makakasalo ni Torre ang listahan ng mga distinguished perso­nalities na binigyan din ng karangalan tulad ng 1973 PHL men’s basketball team, ang pumanaw na si Carlos Loyzaga, coaching icon Baby Dalupan, Francisco Elizalde, Mauricio Martelino, at Carlos Padilla.

Huling tumanggap ng parehong award si legen­dary baseball at softball player Filomeno ‘Boy’ Codinera, eksaktong walong buwan bago ito pumanaw.