Pormal nang pinanumpa kagabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang mga bagong Deputy Speaker na kinabibilangan ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Si Arroyo ay kabilang sa 12 Deputy Speakers na binuo ng liderato ni Alvarez bilang trial balloon sa federal system of government na unang susubukan sa Kongreso.
Gayunpaman, walang immediate family na kasama si Arroyo nang manumpa ito maliban sa mga mambabatas na kasama nito sa Central Luzon region na kakatawanin nito bilang Deputy Speaker.
Bukod kay Arroyo, pinanumpa rin ang apat pang lady solon na tatayong Deputy Speaker na sina Mylene Garcia-Albano ng Davao City, Taguig City Rep. Pia Cayetano, Cebu Rep. Gwendolyn Garcia at Ambis-Owwa party-list Rep. Sharon Garin.
Dahil dito, dalawa na lamang ang kulang para mabuo ang 12 Deputy Speaker dahil naluklok na ang 10 na kinabibilangan nina Ilocos Sur Rep. Eric Singson, Davao del Norte Rep. Mercedez Alvarez, Capiz Rep. Fred Castro, Batangas Rep. Raneo Abu at Marikina Rep. Miro Quimbo.
Sa mga susunod na mga araw ay inaasahang papangalanan na ang 2 pang Deputy Speaker para mabuo na ang 12 mula sa 12 rehiyon o estado na itatag sa ilalim ng Federal system of government.