GMA, humakot sa VACC

Arnold Clavio

INIUWI ng GMA Network ang pito sa siyam na major awards mula sa Vo­lunteers Against Crime and Corruption (VACC) — kasama na ang Outstanding TV Station para sa GMA-7 at Outstanding Radio Station para sa DZBB.

Kinilala muli ng VACC ang dedikasyon ng GMA sa mga programang nagsusulong ng kampanya laban sa krimen at korapsyon sa awarding ceremony na ginanap kamakailan sa Malacañang Palace.

Panauhing pandangal dito si President Rodrigo Roa Duterte.

Nagwagi ang Kapuso flagship primetime newscast na 24 Oras bilang Outstanding TV News Program habang kinilala sina Mel Tiangco, Mike Enriquez at Vicky Morales bilang Outstanding News Anchors.

Dahil sa muli niyang pagkakapanalo, napasama na sa Hall of Fame ng VACC si Enriquez.
Si Susan Enriquez ay itinanghal na Television Reporter of the Year.

Best Teleradio Program ang Dobol A sa Dobol B. Ang anchors nito na sina Arnold Clavio at Ali Sotto ay kinilala bilang Best Teleradio Anchors.

Kinilala rin ng VACC ang ilan pang mga programa at personalidad ng Kapuso Network — Reporter’s Notebook (Television Program), Jiggy Manicad (TV Program anchors), at Marisol Abdurahman (TV reporters).

May special award din ang GMA News TV newscast na State of the Nation with Jessica Soho (TV News Program) at si Jessica Soho (TV News Program Anchor).

Nakakuha ng special award ang Bangon na Bayan ng DZBB (Radio Program) at ang anchor nito na si Joel Reyes Zobel (Radio Anchor category).