Umaani ng suporta ang panukala ng dalawang senador na ibalik ang pagtuturo ng Good Manners and Right Conduct (GMRC) sa mga estudyante sa elementary at high school para sa character-building at mapanatili ang kagandahang asal na taglay ng mga Pilipino.
Hindi kaila na dahil sa pagbabago at pagiging moderno ng panahon ay kasama ring nagbago ang asal ng kabataan at unti-unting nawawala ang mga turong kagandahang-asal ng mga magulang at mga guro sa mga paaralan.
Kung paghahambingin ang mga batang 80’s at 90’s sa mga kabataan ngayon o mga millennial ay malayong-malayo na ang takbo ng utak ng mga ito.
Unti-unti kasing nawawala ang mga unang aral na itinuro noon ng mga nakatatanda at mga old school na pagtuturo para sa paghubog ng karakter ng isang estudyante.
Mula sa GMRC ay napalitan ito ng Edukasyon sa Pagpapakatao o ESP na 30 minuto na lamang itinuturo sa classroom at hindi sapat ang kalahating oras para ikintal sa kaisipan ng mga estudyante ang mga leksiyon na may kinalaman sa values education.
Malabnaw kung tutuusin ang matututunan sa loob ng 30 minuto dahil hindi napapaigting ng husto ang mga dapat matutunan ng kabataan.
Batay sa panukala nina Senador Sherwin Gatchalian at Senador Joel Villanueva, gawing asignatura ang GMRC sa elementary at high school gaya ng pagtuturo ng English, Mathematics at Science para mabigyang-diin ang importansiya nito sa mga kabataan.
At kailangan ding mayroong sertipikasyon at malawak na kaalaman ang magtuturo ng GMRC para masigurong hindi dumaan lamang sa tenga ng mga estudyante ang mga ituturong leksiyon ng tamang asal.
Ang kabataan ngayon ang pag-asa ng bayan na magdadala ng tamang asal para sa kinabukasan ng bansa.
Sa ilalim ng GMRC subject, magkakaroon ng mga aktibidad o character-building activities para makita kung nagagawa at nagagamit ba ng kabataan ang natutunan sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Marami sa mga kabataan ngayon ang tila may sariling mundo, insensitibo o walang pakialam sa kapwa lalo na kapag may mga hawak na gadget at kawalan ng malasakit lalo na sa mga nangangailangan ng pag-alalay o tulong.
Maraming dahilan kung bakit kailangang ibalik ang GMRC at gawing asignatura sa classroom dahil mas nangingibabaw na ngayon sa lipunan ang mga negatibong impluwensiya ng alak, iligal na droga at iba pang bisyo na lumalamon sa katinuan at kagandahang-asal ng kabataan.