Handa nang basagin ng Go for Gold Philippines ang Guinness World Record sa dribbling.
Hinayag ni Go for Gold godfather Jeremy Randell Go na nasa 10,000 dribblers ang inimbitahan sa July 21 sa Mall of Asia Concert ground sa Pasay City.
“Being a SEA Games year, we want to be able to encourage a lot of Filipinos to be active in supporting sports and our athletes,” saad ni Go Huwebes sa press conference.
Kasama sa mga inimbitahan ang mga national athlete mula sa iba’t ibang national sports association sa ilalim ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission sa pamumuno ni chairman William “Butch” Ramirez para suportahan ang paghahanda ng bansa sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa Nov. 30-Dec. 11.
Ang current record-holder ng Most People Dribbling Basketball Simultaneously ay ang United Nations Relief and Works Agency (UNRWA), nakapag-assemble ng 7,556 katao sa Rafah, Gaza Strip sa Palestine noong July 22, 2010.
Inaasahang sasali sa nasabing event ang players, coaches at team officials mula sa Philippine Basketball Association (PBA) at Maharlika Pilipinas Basketball League.
“Also in line with our motto “Basta Pilipino Ginto” where we believe that the Filipino deserve the best whether it is in training, sports, events, even scratch tickets, we want to have an international record that we can be proud of,” panapos ni Go. (Elech Dawa)