Makaraan ang respetadong pang-apat na puwesto sa pangkalahatan at ikatlo sa hanay ng lokal na sa katatapos na 9th Ronda Pilipinas 2019, nahaharap sa mas mabigat na mga karera ang Go For Gold Philippines Continental Team sa misyong makapagsabak sa 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan.
Sunod sa Team Go For Gold ang 5-stage Tour de Iskandar sa Johor, Malaysia sa Abril, isa pang International Cycling Union (UCI) race na may kalakip na points para sa Pinoy cyclists na gustong dalhin ang bandera ng bansa sa Olympics.
“We have to race in as many UCI races as we can to realize our dream of seeing a Filipino participate in the cycling competitions of the Olympics,’’ bigkas kahapon ni Go For Gold godfather Jeremy Go.
Makikipaghagaran ang mga Pinoy sa serye ng multi-stage bikathons sa kabuuan ng taon sa Singapore, Indonesia, Thailand at Sri Lanka, iba pa, kasama ang 10th Le Tour de Filipinas at national championships sa June na tadtad ng UCI pts.
“We have a full exposure this year with 12 international races on schedule, including the Asian Cycling Championships late April,’’ dagdag ni Go For Gold project director Ednalyn Hualda.
Napadyak ni Ismael Grospe ang best young rider award nang pamayagpagan ang under-23 category ng Ronda na may 15 teams, walo ang foreign squad. At ang pinakita niya kasama sina Jonel Carcueva, Elmer Navarro, Boots Ryan Cayubit at Daniel Ven Carino ang nagpapang-apat sa Go For Gold sa overall in the team race ng 5-day Ronda na nagwakas sa nakaraang linggo sa Pandan, Antique.