Naghari ang Ateneo Blue Eagles sa likod ng 15 points ni Isaac Go kontra sa mga collegiate team mula NCAA, UAAP at CESAFI.

Ito’y matapos patumbahin ng Quezon City-based squad ang University of Visayas 95-71 para itanghal na 2018 PCCL national men’s collegiate champion kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.

Naging madali para sa Ateneo ang laban, maagang nakaalagwa kahit pa hindi binabad ang mga starter.

Marami ang kuma­yod sa bench ng Ateneo, halata ang pagkakaiba ng lakas ng roster sa 38-8 bench points para maibulsa ang panalo.

Itinanghal na PCCL MVP ang sweet-shooting forward na si Go. Kanyang nakatuwang sina BJ Andrade na sumungkit ng 13 points, Thirdy Ravena at RV Berjay na may tig-12 points at SJ Belangel na naglista ng 10 pts.

Para sa UV, nasa­yang ang 26 puntos at anim na rebounds ni Rey Suerte, maging ang 16 puntos at 12 rebounds ni Bassieru Sackor.

Ito ang ikaapat na kampeonato ng Ateneo sa PCCL.