Sinuspendi ng Sandiganbayan ang gobernador ng Negros Oriental dahil sa mga kasong graft at malversation na kinakaharap nito kaugnay ng maling paggamit sa calamity fund ng kanilang probinsiya.
Sa dalawang pahinang desisyon na inilabas ng Third Division ng anti-graft court, epektibo noong Miyerkoles, Oktubre 18, ang 90-araw o tatlong buwan na preventive suspension ni Negros Oriental Governor Roel Ragay Degamo habang patuloy pang dinidinig ang kanyang kaso.
“Accordingly, the court hereby orders the suspension (pending litigation) of accused Roel Ragay Degamo as governor of the province of Negros Oriental and from any other public position he may now or hereafter hold for a period of 90 days,” ayon sa Sandiganbayan Third Division.
Kinasuhan si Degamo, kasama ang kanyang provincial treasurer na si Danilo Mendez at provincial accountant Teodorico Reyes ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at 11 counts of malversation of public funds sa pamamagitan ng falsification of public documents sa ilalim ng Revised Penal Code.