Gobert, Mitchell: Sino ang bibitawan ng Utah Jazz?

TIRA-ALAHOY-ALEC-PAOLO-VENTOCILLA

Sa kasaysayan ng NBA, maraming duo na ang nagkakaroon ng issue sa isa’t isa.

Isa sa tumatak nga rito ay ang one-two punch nina Shaquille O’Neal at yumaong Kobe Bryant.

Ang dalawang superstar ay parehong nasa prime years nila noong 2003-2004 season nang magkahidwaan.

Matapos ang season na iyon ay kailangan nang magdesisyon ng Los Angeles Lakers kung sino ang kanilang ite-trade, at ito nga’y si Shaq. Dahil na rin sa mas bata si Kobe na may ihuhusay pa sa mga susunod na taon.

Ngayon ay nagkahidwaan din ang dalawang manlalaro ng Utah Jazz na sina defensive big man Rudy Gobert at Donovan Mitchell.

Ito’y matapos ang hindi magandang aksiyon ni Gobert na hinawakan pa ang mga mikropono kahit pa positibo siya sa coronavirus disease 2019.

Sinabi rin umano ng ilang players ng Jazz na naging ‘careless’ si Gobert sa kanilang locker room at hinawakan din ang mga gamit ng kakampi.

Dito na nagsimula ang hidwaan ng dalawa, dahil nagpositibo rin si Mitchell sa COVID-19.

Ngayon ay magaling na ang dalawa sa nasabing virus, at ikinuwento ni Gobert na matapos mainis si Mitchell ay maayos na ang kanilang relasyon.

Pero kahit pa naresolba na ang away ng dalawa, malaki pa rin ang posibilidad na i-trade ng Jazz ang isa sa kanila.

Kung si Gobert ang kanilang ite-trade, para na rin itong nangyari kina Kobe at Shaq. Mas bata ng apat na taon si Mitchell kay Gobert, at may ii-improve pa sa mga susunod na taon. Lalo pa’t kakasalang pa lang nito sa kanyang unang All-Star appearance.

Kapag si Mitchell ang bibitawan, mawawalan sila ng excellent scorer. Siya ang nangunguna sa Jazz ngayong 2019-2020 season na may 24.2 points per game.

Ang isang magiging problema ng koponan kapag si Gobert ang kanilang ite-trade, hihina ang kanilang depensa.

Ang 2-time Defensive Player of the Year ang may impact sa koponan, na kahit mag-small ball linup ay epektibo pa rin ang depensa.

Ang Jazz ang 11th sa defensive rating ngayong 74th season dahil na rin sa presensya ni Gobert sa loob.

Kung kayo ang magdedesisyon, sino sa dalawa ang inyong ite-trade?

***

Kung kayo po ay may reaksiyon o nais itanong, mag-email lang po sa alecpaolo2016@gmail.com. Patuloy ninyo rin pong suportahan ang online show ng Abante, ang Sportalakan, tuwing Martes alas-sais nang gabi sa Abante News Online. Maraming salamat po!