Dear Sir/Ma’am,
Hindi lang ayaw ng NPA ang totoong Peace Talks maging ang Martial Law. Umaksiyon din kaagad ang mga komunista laban sa gobyerno, sa planong pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao. Inutos ng CPP ang kanilang armadong grupo na NPA na magsagawa ng pag-atake sa buong bansa. Hindi sila sang-ayon sa nais ni Duterte na palawigin ang Martial Law sa Mindanao hanggang sa katapusan ng taon. Lalala lang daw ang pang-aabuso ng militar at pulis. Pero sa totoo lang, wala naman akong naririnig na malawakang pang-aabuso na isinagawa ng pulis at militar sa mga sibilyan nitong nakaraang dalawang buwan.
Ganun naman pala. Itigil na nga ang lahat ng pag-uusap hinggil sa kapayapaan. Sa tingin ko wala nang mangyayari sa dalawang panig, na ilang beses nang nagsubok mag-usap. Baka nag-aaksaya na lang ng panahon at pera ang gobyerno sa CPP-NPA. Hindi talaga magkatugma ang mga pananaw, prinsipyo at ideolohiya. Parang tubig at langis. Hindi talsga maghahalo ang magkaiba lalo’t ang isa ay tama at ang isa ay saliwa!
Ricardo E. Catindig
Meycauayan, Bulacan
***
Dear Sir:
Nagbigay na ng hudyat ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na maaari nang bumalik sa kanilang mga tahanan ang ibang bakwit. Ngunit, tanging mga nasa paligid lamang ng lawa ng Lanao at labas ng Marawi City ang mga awtorisadong bumalik.
Ang desisyong ito ng AFP ay para sa ating mga kababayan rin, sana sundin na lamang nila upang iwas disgrasya. Maintindihan sana nila na hindi ganon kadali para sa pamahalaan na pabalikin sila kahit sinabing cleared na ito sa mga terorista. Una, nariyan pa rin ang mga bombang hindi sumabog na maaring pumutok anumang oras, mga labi na naagnas pa at mga baktirya na maaring magdulot ng masama sa kalusugan. Sana isaalang-alang muna nila ang mga ito at intindihin pa rin ang sitwasyon na hindi lang ito kagustuhan ng AFP kundi para pa rin sakanilang kapakanan.
Owen Daez
Nueva Ecija