Gobyerno kulang pa sa paghahanda!

Earthquake Drill

Hindi lang ang mga tao ang hindi handa sa kalamidad kundi mismo ang gobyerno dahil tinutulugan ng Kongreso ang panukalang magtayo ng evacuation centers para may matakbuhan ang mga tao pagdating ng lindol at bagyo.

Ito ang nabatid kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate matapos masaksihan ang ­karanasan ng mga taga-Batangas na isang linggo nang niyanig ng lindol kung saan ang mga tao ay nasa kalsada lang natulog imbes na sa mga evacuation centers.

Noong nakaraang linggo, Martes, ay niyanig ng lindol ang Batangas at sinundan ito noong Sabado kung saan sa mga kalsada at open space lang natulog ang mga tao.

Ayon kay Zarate, hanggang ngayon ay hindi pa inaaksyunan ng liderato ng Kongreso ang House Bill 1763 o Evacuation Centers Bill kung saan oobligahin ang gobyerno lalo na ang mga local government units (LGUs) na magtayo ng evacuation centers sa kani-kanilang lugar lalo na sa mga barangay.

“Sana ay pabilisin na ang pagpasa ng HB 1763 dahil mahirap namang maaksidente pa ang mga nasalanta na nga ng kalamidad,” ani Zarate lalo na’t may banta aniyang magkaroon ng Big One, kapag gumalaw na ang West Valley Fault line.

Hindi aniya dapat ipagwalang bahala, lalo na ng national government, ang bagay na ito dahil kung hindi maitayo ang mga evacuation centers sa bawat barangay ay maraming tao ang lalong malalagay sa panganib kapag may dumating na malaking kalamidad.

Karaniwang ginagamit ng mga LGUs na evacuation centers ang mga schools subalit ayon kay Zarate, dapat na itong itigil at sa halip ay magtayo na lang ng evacuation centers na magsisilbi ring command centers.

“Dapat ay kagyat ng matugunan ang mga pangangailangan ng mga nasalanta ng mga kala­midad, ­natural man o gawa ng tao,” ayon pa sa mambabatas.