Kinumpirma sa Kamara ng opisyal ng Del Monte Philippines Inc. (DMPI) na agad silang nagbayad ng P65-milyong tax liability nang bigyan sila ng go signal ng ­Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ang House Committee on Ways and Means ay nagsasagawa ng imbestigasyon kung paano napababa sa P65M ang P8.7-bilyong tax liability ng Del Monte na ikinalugi ng gobyerno subalit lumitaw sa pagdinig kahapon ng komite na tila hindi na mahahabol pa ang kinukuwestiyong tax settlement dahil tapos na ito at matagal nang bayad.

Ayon kay DMPI chief operating officer (COO) Luis Alejandro noon pang Pebrero 1, 2017 nabayaran ang kanilang pinababang tax liability na parang sa mga taon ng 2011 hanggang 2013 matapos ang notice para sa settlement na ipinalabas ng BIR noong Enero 31, 2017.

“It was really incumbent upon us to pay the amount because we have no choice but to resolve it the soonest,” pahayag ni Alejandro kung saan ipinaliwanag nito na agad silang nagbayad upang hindi na maapektuhan ang kanilang disclosure sa Philippine Stock ­Exchange.

Tinuring naman ni Bayan Muna party-list Rep. Isagani Zarate na isang midnight deal ang nangyari sa pagitan ng BIR at DMPI.

Ang imbestigasyon ng Kamara sa tax settlement ng BIR sa DMPI ay nag-ugat matapos kasuhan ng plunder ng isang taxpayer si BIR Commissioner Cesar Dulay at 17 na iba pa dahil sa kontrobersiyal na compromise tax agreement na bilyong piso umano ang nawala sa pamahalaan.

Kaugnay nito, pinagsusumite ni House Speaker­ Pantaleon Alvarez ang BIR ng lahat na pinasok na tax settlement sa mga nakalipas na taon.

Nais makita ni Alvarez ang ginawang assessment ng BIR sa mga tax cases nito mula 2011 hanggang 2015 upang makita kung gaano kalaki ang ibinababa sa mga settlement at kung gaano kalaki ang nawawala sa gobyerno sa bawat kasunduan.