Gobyerno walang lugi sa UP-Ayala Land Technohub

Walang pagkalugi ang gobyerno sa pinasok nitong kasunduan para sa UP-Ayala Land Technohub sa Quezon City.

Ipinahayag ito kahapon ng Ayala Land Inc. dahil sa alegasyong lugi ang pamahalaan sa development lease arrangement na napagkasunduan noong 2006 sa panahon ng administrasyong Arroyo.

Sabi ng Ayala Land, P10.2 bilyon ang kanilang babayaran sa University of the Philippines (UP) bilang upa sa lupang kinatatayuan ng Technohub.

Babayaran nito ng P4.23 bilyon ang UP para sa upa nito sa 20 hektaryang lupa sa Diliman, Quezon City sa loob ng 25 taong sakop ng kasunduan.

Sabi ni ALI senior vice president at CFO Augusto Bengzon, mag-i-invest pa sila ng P6 bilyon para sa pagpapatayo ng 16 commercial building kaya aabot sa P10 bilyon ang makukuha ng pamahalaang bilang kabayaran para dito.

Pagkatapos ng 25 taon at paso na ang kontrata, sa UP na mapupunta ang mga ipinatayo nilang gusali.

Kung susumahin, P171 ang binabayad ng Ayala Land per square meter at hindi P22 tulad ng ibini­bintang dito.

Sabi ni Bengzon, ginawa ang kasunduan matapos ang dalawang bigong bidding at naglabas ng imbitasyon para sa negotiated proposal ang UP sa siyam na real estate developer.

Aniya, tanging ang A­yala Land ang nagsumite ng proposal at nangakong susundin ang mga kundis­yong inilatag ng UP para magkaroon ng campus-type development sa naturang lupain. (Eileen Mencias)