Gokongwei nanibak ng 150 sa CebuPac

Mabigat sa kalooban ng Cebu Pacific na pag-aari ng mga Gokongwei na pakawalan ang may 150 nitong bagong hire na cabin crew, ayon sa anunsiyo ng kompanya kahapon.

Sa isang pahayag, sinabi ng Cebu Pacific na simula nang magkaCOVID19 outbreak sa China noong Enero, malaki na ang hinina ng negosyo nito at kinailangan pa nitong ikansela ang mga international flights at, ngayong linggo, marami sa mga domestic flights nito dahil sa community quarantine at air travel restrictions.

Sa umpisa, austerity measures muna ang ginawa ng Cebu Pacific tulad ng pagpapaliban ng mga non-critical projects at programs, freeze hiring, pagpapaliban ng mga training programs, paglilimita ng overtime, pagkakansela ng nonessential activities, at pay cut para sa mga executives.

“It is a difficult decision but we are letting go of our newly hired cabin crew because less flights mean less time and opportunity for them to gain inflight experience,” sabi ng kompanya.

Huling araw ng mga newly hired cabin crew sa March 19.

Sabi ng kompanya, magiging makatarungan sila sa pagbibigay ng package sa kanila at gagawin itong higit pa sa nakasaad sa batas.

Dagdag pa nito, sila ang bibigyan ng prayoridad pag nakabawi na ang negosyo.

Sa mga nakaraang linggo, kinakausap na ng Cebu Pacific ang flying crew at ang iba pang staff tungkol sa sitwasyon at malaki ang naitulong nila sa pagpapababa ng gastos. Pinasasalamatan ng Cebu Pacific sila dahil sa kanilang pag-unawa at suporta. (Eileen Mencias)