Sumilo sina Asian Games gold medalists Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go ng panibagong medalya bago magtapos ang taong 2018.
Impresibo ang ipinakitang laro nina Pagdanganan at Go matapos magreyna sa katatapos na 10th Santi Cup ng 2018 Southeast Asian Amateur Golf Team Championships na ginanap sa Nay Pyi Taw, Myanmar.
Sina Pagdanganan at Go na nakipagkampihan kay Yuka Saso sa Asian Games nakaraang Setyembre sa Indonesia at nakipagsanib kay Berniece Olivares-Ilas upang tulungan ang Team Philippines na kalusin ang Thailand at Malaysia.
Nakalikom ang national team ng 559 points sa apat na araw na bakbakan habang nagtala ang Thailand ng 577 at 593 naman sa Malaysia.
Sumungkit din si Pagdanganan ng individual event, tumipa ng 10-under 278 sunod si Go na may seven-under 281.
Pangalawang overall women’s title ito ng Pilipinas sa Santi Cup mula pa noong 2014 edition sa Brunei.
Sinundan ni Pagdanganan ang yapak nina Jayvie Agojo (2012) at Claire Legaspi (2014) bilang individual winners.
“We are so proud of our team’s performance,” saad ni Bones Floro, secretary-general ng National Golf Association of the Philippines (NGAP). “The Philippines has had a rich history with many wins.” (Elech Dawa)