Gold sa Asiad, paano nadale ni Hidilyn?

Paano nabuhat ni Hidilyn Diaz ang gold medal sa women’s 53-kg ng weightlifting sa Indonesia?

Martes nang gabi, dineliver ni Diaz ang kauna-unahang gold ng Pilipinas sa 2018 Jakarta-Palembang Asian Games.

Sa Jakarta International Expo Hall, hindi hiniwalayan ng tingin ni Hidilyn at ng kanyang coach na si Tony Agustin si Kristina Shermetova ng Turkmenistan.

Pinakamahigpit na karibal ng Filipina si Shermetova, ang tumalo kay Hidilyn sa gold sa world championships noong nakaraang taon.

“The plan was to keep an eye on Shermetova, because the clean and jerk is Hidilyn’s strength,” lahad ni Agustin.

Bumuhat ng 113 kgs. si Shermetova sa second attempt, sinorpresa siya ni Hidilyn nang itaas ang kanyang submitted lift na 115.

Ayon kay Agustin, kinakaya na ng alaga ang 115 sa praktis kaya kompiyansa sila.

Nalamangan ng 1 kilo, sinubukan ni Shermetova ang 116 pero hindi naiangat at nagtalunan na ang coaches ng Filipina Rio Olympics silver medalist.

Hindi na nag-ubos ng lakas si Hidilyn na buhatin ang kanyang submitted 117 kgs. dahil alam niyang martsa na siya sa tuktok ng podium.

“I learned I won the gold when she had a bad lift in her third attempt and my coaches started to jump for joy,” lahad ni Diaz, ang 2016 Philippine Sportswriters Association Athlete of the Year.

Bumuhat si Diaz ng 92 kgs. sa snatch, at kasama ang 115 niya sa clean and jerk ay may total 207 – sapat para isalya sa silver si Shermetova (206). Napunta ang bronze kay Khambao Surdochana (201) ng Thailand.

“In the Olympics, no one expected me to win a medal. Here at the Asian Games, everyone expected me to win,” dagdag ni Diaz. “For two to three months, I was on the edge. I hardly got enough sleep. But I just kept on training and gave my fate to God.”

May P6 million na rason si Hidilyn para magsaya, kasama ng buong Pilipinas.