Target ni Filipino-American sprinter Eric Shauwn Cray na sikwatin ang golden double sa athletics competition ngayong araw sa 29th Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur Sports City sa Malaysia.
Nakatakdang idepensa ni two-time Olympian Cray ang korona sa 100-meter sprint at 400-meter hurdles kahit hectic ang iskedyul.
Unang sasalang ang tubong Olongapo City na si Cray sa 100-meter men’s heats sa 3:30 ng hapon kasama si former three-time NCAA sprint champion Anfernee Lopena.
“We believe in the ability of Eric Cray of performing well despite his tight schedule,” ani track chief Philip Ella Juico. “We pray that he can rise up to the challenge and complete a golden double for our country.”
Ilalarga rin ang women’s 100-meter preliminaries sa 3:10 p.m., babanat si Fil-Am Zion Rose Nelson na magiging pambato ng Pilipinas sa event dahil hindi sumalang si defending champion Kayla Richardson.
Nagdesisyon si Richardson, pinakabatang athlete na nagwagi sa century sprint sa edad na 17 sa 2015 Singapore SEA Games, na mag-focus sa 200-meter race na pasisibatin bukas, (Miyerkules) at 4×100 at 4×400-meter women’s relays.
Inaasahang medyo hingal ng konti ang 28-year-old na si Cray pagsabak sa men’s 400-meter hurdle heats sa alas-kwatro.
Sakaling lumusot sa preliminary races, agad babanat si Cray sa men’s 400-meter hurdle finals sa 8:20 ng gabi at muling tatakbo sa men’s 100-meter sprint finals makalipas ang isang oras at 20 minuto.