Nabili sa halagang $250,000 o katumbas ng mahigit sa P13 milyon ang Golden Globe Award ng pamosong Hollywood star na si Marilyn Monroe sa Julien’s Auctions sa Beverly Hills, California, ayon sa ilang auction officials noong Sabado.
Ang nasabing 1961 award statue ng World Film Favorite Female mula sa Hollywood Foreign Press Association ay gumawa ng kasaysayan dahil sa nasabing record-breaking na subastahan.
Bukod sa nasabing auction ay nailako rin sa $490,000 sa Icons & Idols: Hollywood ang raven black two-seater, 1956 Ford Thunderbird ni Monroe kung saan nakuhanan ng litrato sa nasabing kotse ang Hollywood star kasama ang kanyang asawang si Arthur Miller matapos ang kanilang kasal noong 1956.
Nabatid kay Darren Julien, presidente ng Julien’s Auctions, na ang naturang kotse ay hindi lamang bahagi ng automotive history, “but comes with an aura of glamour, romance and tragedy of a true Hollywood legend.”
Bukod sa Golden Globe ay naibenta rin sa presyong $32,000 ang kopya ni Monroe ng unang isyu ng Playboy magazine kung saan bida ito sa cover at pirmado ng publisher na si Hugh Hefner.
Kabilang din sa mga isinubasta ay ang ilang mga gamit mula sa sinaunang pop stars na sina Cher at Tina Turner.