Pitong medalya tampok ang dalawang gold na parehong may kalakip na national records ang iniuwi sa bansa ni International Master of Memory Jamyla Lambunao ng Marikina City sa Hong Kong Memory Championships sa Kowloon noong Aug. 13-14.

Nanalasa ang 14-anyos na estudyante ng  St. Scholastica’s Academy-Marikina sa Random Words event sa perpek­tong namemoryang 98 na pagkakasunod ng mga salita sa loob ng limang minuto para burahin ang kanyang dating Philippine mark na 92 words.

Ang isa pa niyang ginto ay nilakipan din ng new PHL record nang maperpekto ang 702 binary di­gits sa 5 minutes, tinakpan nito ang 660 digits ni Grandmaster of Memory Mark Anthony Castañeda.

Nakaapat pang silver at isang bronze si Lambunao sa taunang kumpe­tisyon na nilahukan ng top memory athletes ng Japan, South Korea, Malaysia, Singapore at host HK.

May personal best marks siya sa dalawang event na Random Digits (500 digits sa 15 minuto) at sa Shuffled Deck of Cards (44.98 seconds).

“Jamyla’s performance in Hong Kong was exceptional by setting new national records despite her young age. The amount of information she can store in her mind now has surpassed a lot of adult memory athletes,” sambit kahapon ni me­mory enhancement coach Anne Bernadette Bonita.

May aplikasyon na ang Philippine Mind Sports Association sa Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee para mas mapataas at makilala pa ang memo­ry sports sa bansa at sa mga Pinoy.