Gonzaga may hugot bilang frontliner

Ramdam ngayon ni Cignal HD Spikers ace hitter Jovelyn Gonzaga ang pagsasakripisyo na inaalay ng frontliners para matulungan ang bayan na mapuksa ang coronavirus disease.

Sa Instagram story, ibinahagi ng Philippine Superliga (PSL) star, na naglilingkod sa Philippine Army, ang kanyang napagtantong hindi mayakap ang mga pamangkin niya.

Bilang bahagi ng frontliners na tumutulong sa bayan, mas expose si 28-anyos at may taas na 5-8 na dalagang sundalo para sa nasabing sakit.

Hirit pa ng dating national player, “Kanina bago ko kunin yung car ang lalim na ng tampo (pamangkin) sa akin kasi ‘di ko na siya niyayakap, ‘di na ‘ko tumatagal sa kanila. ‘Di na niya ako pinapansin, ‘di na naglalambing.

Papano na lang kung ako na may anak at ganito ang nature ng trabaho, bigat pala sa dibdib,” punto ni Gonzaga.

Dahil rito, lubos ang pasasalamat ng beteranang balibolista sa kanyang kapwa frontliner.

“Kaya snappy salute sa mga kapwa ko sundalo AFP,PNP sa frontliners lalo na sa may mga anak. Saludo ako sa sakripisyo ninyo para sa bayan.” panapos litany ni Gonzaga. (Janiel Abby Toralba)