Pinamayagpagan ng dating national marksman at nagbalikbayan mula sa pagiging shooting coach sa Kuwait na si Marcelo Bobby Gonzales ang Philippine Natio­nal Shooting Association 10-meter air pistol first leg qualifying sa PNSA-PSC Range sa Fort Bonifacio-Taguig City.

Dinaig niya ang 10 mga karibal na mga nais makapuwesto agad nang mataas dito, na 1 sa mga basehan para sa komposisyon ng pambansang koponan sa nasabing sport sa itataguyod ng Pilipinas na 30th Southeast Asian Games 2019.

Binanda ni Gonzales na may asim pa ang kanyang pulso sa pagtudla ng total 550 points mula sa mga linyang 93-92-93-89-92-91 sa 1 araw na barilan noong Nobyembre 11 at pinangasiwan bilang range officer ni national coach Julius Valdez.

“I’m a former national shooter who worked as a shooting coach in Kuwait but I came home and I’m trying to become a national shooter again under the new shooting program of PNSA President Luis ‘Chavit’ Singson,” bulalas kahapon ni Gonzales. “Mas masaya pa rin dito sa Pilipinas kaya ako bumalik.”

Sumegundo ang former military, ngayo’y Phi­lippine Airlines international pilot at tumutulong sa PNSA na mai-promote ang airgun shooting sa Cebu/Visayas na si Dayno Dinopol sa naiskor na 540 (88, 93, 88, 89, 96, 86).

At tumersero si 3-time World Cup (2017 Slovenia, 2015 Australia at 2013 Czech Republic) veteran Ronaldo Hejastro, 47, ng Taguig City na naka-535 (88, 91, 87, 88, 89, 91).

“My ultimate dream is to represent the country when we host the SEA Games next year and hopefully win gold me­dals for the country. My late father Rudy Hejastro is the owner of Rogunz Air Rifle kaya na-expose na ako sa shooting early on. Pero mahirap i-balance ang pagiging shooter and officer of an NSA. kaya I’m doing my best na gampanan sila pareho,” anang PNSA pistol director na batang Hejastro.