Nagpamalas ng napakalaking pagbagsak ng bilang ng street crimes sa Metro Manila ang isinasagawang Oplan Tokhang at Double Barrel ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang kinumpirma ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Acting Director Police Chief Supt. Oscar Albayalde kung pagbabasehan ang kanilang record na pagsuko ng 25,230 mga kataong sangkot sa iligal na droga.
Sabi nga ni Director Albayalde na nasa 21-araw pa lamang sa puwesto ay matinding pagbaba talaga ng krimen sa Metro Manila ang kanilang naitala.
Pero siyempre hindi ito basta sabi-sabi lang ng NCRPO dahil base ito sa Weekly Crime Trend assessment ng Oplan Tokhang at Double Barrel ng NCRPO nitong Linggo.
“We are seeing a remarkable reduction of street crimes particularly crimes against property region wide,” pagmamalaki ngang nasabing opisyal.
Alam ninyo bang sa tatlong linggo pa lamang na implementasyon ng Oplan Tokhang at Double Barrel o nitong Hulyo 1 hanggang 19 ay naitala na nag pagsuko ng 25,230 drug users at pushers.
Nakaaresto na rin sa nasabi ring panahon ng 1,025 katao kabilang ang dalawang Taiwanese Nationals, at nakapag-neutralize ng 106 drug personalities.
Dahil malulupit ang mga nalilinya sa operasyon ng iligal na droga ay nakarekober din ang NCRPO ng 78 armas na kinabibilangan ng isang grenade at 19 mga patalim at malaking bagay ito kaya naagapan ang pamamayagpag ng krimen sa nasabing panahon.
Hindi lamang ‘yan dahil nakakumpiska rin ang NCRPO ng 99 kilo ng crystalline granules na sangkap sa paggawa ng shabu at 298 kilo ng liquid Methamphetamine hydrochloride. Bukod pa ang nakumpiskang 290.453 gramo ng shabu, 18,295.1382 gramo at walong sachet ng marijuana na ang lahat ay tinatayang nagkakahalaga ng P1,706,797,560.
Pero siyempre upang higit na maging epektibo ang PNP-NCRPO ay naglinis din ng hanay ang kapulisan at 11 sa mga tauhan ang natuklasang nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga.
Kaakibat ng walang sawang pagkilos ng PNP-NCRPO ay nangako si Supt. Albayalde sa publiko na kanilang ipagpapatuloy ang anti-criminality campaign partikular ang
Oplan Tokhang at Double Barrel lalo na’t ramdam na aniya ang ipinangakong pagbabago ng gobyernong Duterte.
“Naniniwala po tayo na kailangan tagalang magtulungan tayong lahat. Ito po ang pagkakataon na binigay sa atin para makibahagi sa pagbabago na gusto nating makamit ng ating bansa,” ani Albayalde.