Good job, QCPD Director Eleazar

Tahimik na matinik talaga itong si acting-Quezon City Police Chief Guillermo Eleazar sa pagtatrabaho aba’t nakatisod na naman ang Quezon City Police District (QCPD) ng malaking isda sa likod ng operasyon ng iligal na droga.

Ito ay matapos na matagpuang patay ng mga operatiba ng QCPD ang bangkay ng kapatid ng British-Filipino actress na si Maritoni Fernandez na sinasabing sangkot sa bentahan ng iligal na droga.

Hindi man napatay sa engkwentro ang itinuturong supplier diumano ng ecstasy at iba pang party drugs ng mga artista na si Ma. Aurora Moynihan ay maituturing na rin itong accomplishment ng QCPD na puspusan ang paggalugad sa lungsod upang masukol ang mga nagpapakalat ng iligal na droga kung totoo ngang may kaugnayan sa iligal na droga ang kanyang kamatayan.

Ang bangkay ni Moynihan ayon sa QCPD ay natagpuan malapit sa Temple Drive corner Giraffe Street sa Barangay Ugong Norte sa Quezon City.

Binistay ito ng bala at katulad ng mga natatagpuang bangkay ng mga sangkot sa iligal na droga, may nakapatong din na karatola sa kanyang katawan na nagbibigay babala na sunod na umano sa mga papatayin ay mga nagsu-supply ng droga sa mga showbiz personalities.

Bagama’t sinasabing supplier ng iligal na droga sa mundo ng showbiz ang napatay ay nangako ang liderato ng QCPD na aalamin pa rin ang sinumang nasa likod ng pagpatay kay Moynihan na siya namang dapat ta­lagang mangyari.

Mahirap mag-akus­a basta-basta lalo na sa usaping ito. Maselan ang usapin ng iligal na droga, kailangang maestabilisa kung tunay nga bang may kaugnayan ito sa kalakaran ng iligal na droga.

Pakatandaan na sinabi ni Director Eleazar na wala sa hawak na watchlist ng QCPD ang kapatid ng aktres pero malaking palaisipan sa kanila kung bakit may nakakabit ditong karatula na tila nag-uugnay sa biktima sa kalakaran ng iligal na droga sa mundo ng showbiz.

Kaya abangan na lamang natin ang magi­ging kahihinatnan ng imbestigasyon sa kasong ito ng QCPD dahil tiyak namang lalabas at lalabas ang katotohanan lalo na’t kilala si Director Eleazar sa pagiging patas sa batas.

Nakatitiyak tayon­g mapapanagot ang sinumang nasa likod ng pagpatay.

Pero huwag lang sanang totoong may kaugnayan sa kalakaran ng iligal na droga ang pagtumba sa negosyante dahil tiyak na marami ang makakaladkad lalo na’t hawak na ng pulisya ang mobile phone ng biktima na maaring maging daan para malinawan kung may iligal nga bang transaksyon ang napatay.