Good News, Bad News pa sa GCQ

Mayroon pa ring magkakaibang reaksyon mga tropapips pag-uwi ng marami nating kababayan sa kanilang mga probinsiya. Para sa mga uuwi, good news ang balik-probinsya program; pero tila bad news ito sa iba.

Good News: Mga bayaning health workers na nasawi at malubhang dinapuan ng COVID-19, makatatanggap ng benepisyo!
Bad News: Walang ginawang IRR ang Department of Health kaya hindi naibigay.

Good News: DOH Secretary Duque, inamin ang pagkukulang kaya hindi naibigay ang kompensasyon sa mga bayaning health workers na nasawi at malubhang dinapuan ng COVID-19!
Bad News: Pero mga tauhan niya ang sinisi dahil mga pawardi-wardi daw.

Good News: DOH Sec. Duque, aminadong nakakahiya na naantala ang pagbibigay ng benepisyo sa mga bayaning health workers na nasawi at malubhang dinapuan ng COVID-19!
Bad News: Nanatili pa rin siya sa puwesto habang isinusulat natin ito.

Good News: Ilang eroplano, balik-operasyon na!
Bad News: Bawal pa rin ang maglakwatsa at may dagdag na dokumentong kailangan para makabiyahe.

Good News: Meralco, may bagong komputasyon sa May billing na ilalabas ngayong June!
Bad News: Sila rin lang ang nakakaalam kung paano sila nag-compute.

Good News: Anim na buwan na lang Pasko na!
Bad News: Wala pa ring bakuna vs COVID-19

Good News: Pasok sa eskwelahan sa South Korea, binuksan na!
Bad News: Isinara uli ang klase dahil may paaralang nagkaroon ng COVID-cases

Good News: Mass gathering, ginagawa na sa Amerika!
Bad News: ‘Di kasi mapigil ng mga pulis ang nagpoprotesta sa pagkamatay ni George Floyd

Good News: China, baka may bakuna sa September sabi ni President Mayor Digong Duterte!
Bad News: Made in China, mabisa kaya?

Good News: Isang lugar sa Metro Manila, may mass testing para sa COVID-19!
Bad News: Para lang pala sa mga Tsino

Good News: Balik-probinsya, marami ang nag-aplay!
Bad News: Balik-China ng mga POGO worker wala pa

Good News: Balik-probinsya program, marami ang nag-aplay!
Bad News: LGUs na pupuntahan nila kabado dahil baka may pasalubong silang COVID-19.

Good News: Balik-probinsya program, marami ang nag-aplay!
Bad News: Marami rin sa mga nagbalik-probinsiya ang nabibiktima ng diskriminasyon.

Kaya hangad natin mga tropapips ang win-win solution sa problemang ito. Hindi kaya natin maaalis na may mangamba na baka may makapag-uwi ng virus pero hindi naman siyempre dapat silang pigilan na umuwi at ma-discrimate.

Dapat bago umuwi, magkaroon ng maayos na pagsusuri sa kalusugan ng mga magbabalik-probinsiya at maglatag na naman ng mahusay na paghahanda ang uuwian nilang LGUs sakaling may magpositibo sa bumalik nilang kababayan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”