Good news kina inay, itay

Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng bilihin, bayarin sa serbisyo may ilang magagandang bali­ta pa namang nangi­ngibabaw.

Katulad na lamang ng isinabatas na diskuwento sa pasahe ng mga estudyante kung saan ay hindi na ito mamimili ng panahon.

Ibig sabihin, kahit na nakabakasyon o sembreak ay may 20% fare discount pa rin ang mga estudyante.

Kaugnay nito ay umapela si Kabayan Party-list Rep. Ron Salo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ipa­tupad nang todo ang 20% diskuwento sa pamasahe ng mga estudyante.

Nilinaw ni Salo na hindi na kinakailangan pang hintayin ng LTFRB ang implementing rules and regulations (IRR) ng Student Fare Discount Act dahil ang probisyon sa diskuwento ay nakalatag na sa LTFRB Memorandum Circular 2017-24 pero binabalewala umano ito ng mga public utility vehicle (PUV).

Ang naturang batas ay komprehensibo at saklaw ang iba’t ibang uri ng transportasyon (land, sea, air at rail).

Hindi ba’t bongga ito dahil malaking katipiran ito sa mga magulang na may mga nag-aaral na mga anak.

Kadalasan kasi kahit bakasyon na ay marami pang nilalakad na kung anu-anong requirement sa school ang mga bagets kaya imbes na mapa­hinga sa gastos ay tuloy ang suka ng pera nina madir at fadir.

Kaya dapat matutukan ito para mapasunod ang mga tsuper at iba pa sa transport group na ipatupad na ang batas na ito.

***

Hindi pa rin pala natitibag ang mga sindikato sa panahong ito kahit na matindi ang galit ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa mga iligal katulad ng pasugalan.

Katulad na lamang ng sabwatan diumano ng isang alyas Roy B. sa kapitan ng isang barangay sa Quezon City.

Sa ipinarating sa ating info, umabot na sa bangketa at sa ilalim ng LRT sa Aurora Station ang color game ng sindikatong ito.

Ang matindi nasa apat na mesa na umano ang nakalatag kaya malakasan ang taya at take note malapit nang patumbahin ang mga casino sa Macapagal.

Ang nakakalungkot lang sa kuwentong ito ay mukhang dedma ang mga kapulisan ng Station 7 sa Cubao samantalang ang kapal ng taong mga nakahilera para magsugal.

Bukod daw sa QC ay isang Marissa sa Maynila ang namamayagpag din ang color games. Nakapuwesto naman daw ito sa may Ilaya sa Divisoria,sa Quiapo at Blumentritt.

Katulad ng pangyayari sa QC, bulag at bingi din ang mga pulis na nakakasakop gayundin ang mga tauhan ng barangay.

Well alam naman na natin ang dahilan ng lahat ng ito pero sana naman ay matinag dahil galit ang Pangulo sa lahat ng uri ng iligal. Huwag na ninyong hintayin pang masampolan kayo ni NCRPO Director Chief Supt. Guillermo Eleazar.