Good news sa gitna ng nakaka-stress na balitang politika

Ginhawa ng Bayan ni JV Ejercito

Hindi tayo nawawalan ng magandang balita na sana naman ay nakakapagbigay sa atin ng inspirasyon.

Napapansin lang natin na kapag ‘stress’ na ang mga Filipino dahil sa panay politika na lang ang laman ng balita, bigla ay may mababasa tayong good news.

Tulad na lang nga­yon na parang yamot na ang karamihan dahil ang bumubulaga sa atin tuwing makikinig tayo ng radyo sa umaga ay ang isyu ng pederalismo, impeachment in CJ Sereno, ang panukalang Bangsa­moro Basic Law (kung maituturing itong political issue), at isama pa diyan ang krimen at ang sirain na MRT.

Pero heto at bigla na lang sumulpot ang balitang ang Pilipinas ay itinuturing na ‘Best Country to Invest In’. Ayos, ‘di ba? Kumbaga, panabla ang good news na ‘to sa mga bad news.

Talagang ‘feel good’ ang balitang ang Pilipinas ay ‘Best ­Country to Invest In’. Ang US News & World Report na isang US-based research firm ang nagsabi niyan at hindi ang atin gobyerno.

Ibinida ng research firm ang datos ng Uni­ted Nations na nagpapakita ng magandang performance ng Pilipinas sa kabila ng humihinang daloy ng fo­reign direct investment sa buong Southeast Asia region.

Ayon pa sa balita, tantiya ng US News & World Report na sa darating na mga taon, ina­asahang bubuhos sa Pilipinas ang fo­reign direct investments mula sa mga powerhouse na bansa­ sa loob mismo ng rehiyon tulad ng China na naghahanap ng avai­lable labor sa mga developing country.

Kung gusto natin na magkatotoo ang tantiyang ito, siguro gawin na natin ang nararapat para lalong maakit ang mga fo­reign investor.

Mahusay, masisipag, at maaasahan ang manggagawang Filipino at isa ‘yan sa asset na nagugustuhan sa atin ng mga dayuhan.

Ang kailangan na lang ay infrastructures na ginagawa na at marami na ang natapos samantalang iyung iba ay malapit na ring makumpleto.

Ang maganda dito, naglaan si Presidente Duterte ng P8 trillion para sa infrastructure projects na gagawin sa loob ng kanyang termino sa ilalim ng ‘Build, Build, Build’ program.

At siyempre, kailangan i-relax ang ating mga regulasyon sa pagtatayo ng negosyo para hindi ma-stress ang mga investor. Ito ‘yung tinatawag na ‘ease of doing business’.

Kapag nakumpleto natin lahat ito at nagdagsaan ang mga dayuhang negosyante, hindi lang magandang balita kundi kongkretong ‘ginhawa’ ang hatid nito sa ating mga kababayan.