Gordon babantayan ni Ping sa whitewash sa BOC tara system

ping-lacson

Aabangan ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang ilalabas na report ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa tara system sa Bureau of Customs (BOC).

Ito ay makaraang aminin ni Chairman Richard Gordon na wala silang nakitang ebidensya na magdiriin sa ilang opisyal ng BOC sa sinasabing tara system.

Ayon kay Gordon, sa kanilang paulit-ulit na hea­ring hinggil sa privilege speech ni Lacson, walang testigo ang humarap upang patunayan ang sinasabing pagtanggap ng tara ng mga opisyal ng Customs.

Gayunman, sinabi ni Gordon na mananatili silang bukas sa usapin upang mabantayan at mamonitor ang mga posibleng iregularidad na kasasangkutan ng mga opisyal ng Customs.

Iginiit naman ni Lacson na ang pag-absuwelto sa mga tinukoy niyang opisyal ay personal na opinyon lamang ni Gordon.

“That’s his opinion. My sources, most of whom are insiders at Customs, say otherwise. And I stand by my sources… Let’s wait for his committee report. And let’s see,” saad ni Lacson.

“Kung wala siyang na-gather na ebidensya hindi ko problema yan. Siya ang nagko-conduct ng ­inquiry,” diin pa nito.

Sinabi ni Lacson na malinaw ang mga natanggap niyang impormasyon hinggil sa tara system at kung tutuusin ay madali lamang itong imbestigahan kung nanaisin ninuman.