Gordon, Magic nag-rally ginilitan ang Warriors

Gordon, Magic nag-rally ginilitan ang Warriors

Nag-rally sa final 3 minutes ang Orlando Magic para paluhurin ang Golden State Warriors 103-96 Huwebes ng gabi.

Nagsumite ng 22 points at 15 rebounds si Aaron Gordon, may 16 points si Terrence Ross sa Magic. Tinalo rin ng Orlando ang bigatin sa Eastern Conference na Toronto pero silat sa nangungulelat na New York Knicks at Chicago Bulls.

Noong Miyerkoles lang ay pinasadsad ng buz­zer-beater ni Dwyane Wade sa Miami, napakawalan ng Golden State ang 11-point lead sa fourth quarter at natikman ang pang-apat na talo sa anim na laro.

Nagdagdag si DJ Agustin ng 14 points, may 12 points at 13 rebounds si Nikola Vucevic sa Orlando, tinapos ang 11-game losing streak sa Warriors. Huling tinalo ng Magic ang Golden State noong Dec. 14, 2012.

Umiskor si Stephen Curry ng 33, pero 1 of 6 lang sa fourth. Tumapos ng tig-21 points sina Klay Thompson at DeMarcus Cousins sa Warriors. Pinagpahinga ni coach Steve Kerr si Kevin Durant, may sakit si Andre Iguodala.

Sa final period ay 7 of 23 lang ang Golden State at na-outscore 33-15. Siyam lang ang naipasok ng Warriors sa 40 bitaw sa 3-point line, 5 for 17 si Curry sa long range.

“Steph is beating himself up a little bit because he knows he had a lot of open shots that didn’t go,” lahad ni Kerr. “I thought Orlando did a better job executing down the stretch than we did.”

Abante ang Golden State 81-70 papasok ng fourth, tatlong tres ang tinuhog ni Ross para sindihan ang 15-4 run. Itinabla ng huli niyang 3-pointer ang iskor sa 89, 4:16 pa.

Nasa unahan muli ang Warriors 94-89, rumatsada ng 10 straight points ang Magic kabilang ang 3 ni Gordon na may 9 points at 6 rebounds sa period.