Gordon nagsawa na: Shabu probe tatapusin ngayong Lunes

Target ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na tapusin na sa Lunes ang imbestigasyon hinggil sa shabu shipment sa bansa.

Sinabi ni Gordon na pahaharapin niya sa ika-21 pagdinig ang mga sumukong personalidad na sina Marina Signapan at Emilyn Luquingan upang matukoy kung sino ang nag-utos na kunin muli ang mga kahon at ibalik sa Malaysia.

Si Signapan ay may-ari ng SMYD Trading na consignee ng magnetic lifters na pinaglagyan umano ng P11 bilyon na halaga ng shabu at iniwan sa Cavite habang si Luquingan ay ang common law wife ni Pony Chan, alyas KZ Chan na nagbayad sa renta sa warehouse.

Sina Luquingan at Signapan ay kasama sa apat katao na inis­yuhan ng contempt at arrest order ng senado dahil sa paulit-ulit na pang-iisnab sa hearing ng senate blue ribbon committee kaugnay sa mga nakalusot na shabu shipment.
Bukod sa dalawa, pinaaresto rin ng Senado sina dating PDEA Deputy Director Ismael Fajardo at dating Police Colonel Eduardo Acierto.

“Tatapusin ko yan sa Monday. Kaya ko nga pinahuli yang mga yan para mabuo ko na at isasubmit ko na ang final report,” saad ni Gordon.