Hinikayat ni Senador Richard Gordon ang mga ospital sa buong bansa na bigyan muna ang mga pasyente ng dugo bago sila hingan ng mga donor kapalit ng mga dugong kanilang kakailanganin.
Sinabi ni Gordon, chairman ng Philippine Red Cross (PRC), na hindi nasusunod ang tunay na layunin ng pagpapasara ng mga commercial blood bank kung oobligahin ang mga pasyente na maghanap muna ng donor bago sila mabigyan ng dugo.
“Ang gusto kong sabihin sana, ako’y nag-a-appeal sa mga ospital, tinanggal natin ‘yung mga binabayaran na dugo, binebenta pa yung dugo. Pero kung halimbawa ‘yung ospital, magustuhan nila na magkaroon sila ng blood bank, bago magbigay ng dugo, papahanapin ka muna ng dalawang donor para palitan ‘yung dugong ibibigay nila, medyo mali yata ‘yan,” saad ng senador.
“Hinihiling ko sa media, na dapat masabihan (ang mga ospital) na hindi dapat humihingi ng kapalit sapagkat kung ikaw ay hahawak ka sa patalim.
‘Yung tatay mo o ‘yung asawa mo ay agaw-buhay tapos hihingian ka pa ng ganu’n, baka mamaya nagbayad kayo, ‘yun pala, hindi natin alam, nakuha lang sa kalye e doble gastos kayo. Tetestingin ‘yung dugo nu’n, kung may contamination yung dugo, gastos na naman ‘yun…they should the people who are recipients of the blood na kumuha ng donor after the fact. Hindi yung agaw-buhay dun ka hihingian ng dugo para mapalitan mo yung dugo na ibibigay sa iyo. That is a real problem,” paliwanag ni Gordon.
Kaugnay nito, sinabi ng senador na target ng PRC na magbukas pa ng mas maraming blood bank at blood center upang mas mabilis ang paghahanap ng mga dugo. (Dang Samson-Garcia)