HINDI pa rin pala nakapag-renew si Jennylyn Mercado ng kontrata niya sa GMA 7.
Kaya may mga nagtatanong sa amin kung totoong lilipat na siya sa ABS-CBN 2.
Sabi sa amin ng manager ni Jennylyn na si Becky Aguila, ang GMA 7 pa rin ang first priority.
Pero bakit wala pa ring pirmahan? Ang pagkakaalam namin, noong Mayo 15 pa nag-expire ang kontrata kaya inaabangan na ang renewal of the contract.
Totoo bang hindi pa rin nagkakasundo sa adjustment ng talent fee ni Jennylyn?

“Deserved naman ni Jen ‘yun,” text back sa amin ni Tita Becky nang tinanong namin tungkol diyan.
Wala kaming ideya kung ilang percent ang itataas sa talent fee pero expected na may malaking adjustment kung ibabase sa mga na-achieve ng Kapuso young actress.
Kaya wala rin silang alam kung tuloy ang drama series na pagsasamahan sana nina Jennylyn at Alden Richards.
Walang sagot sa amin si Tita Becky nang tinanong namin tungkol sa napabalitang breakup nina Jennylyn at Dennis Trillo.
Naka-focus daw ngayon ang alaga niya sa bagong project na gagawin nito. Surprise daw kung sino ang susunod na leading man ni Jennylyn.
Basta, first time din nitong makasama ang ‘lalaki’ at matutuwa ang supporters ng aktres.
***
Ipinakilala sa media kahapon ang anim na pelikulang kalahok sa unang ToFarm Film Festival.
Ang anim na pelikulang kalahok ay ang Pilapil ni Direk Jojo Nadela, Pitong Kabang Palay ni Maricel Cariaga, Free Range ni Dennis Marasigan, Kakampi ni Victor Acedillo Jr., Pauwi Na ni Paolo Villaluna, at Paglipay ni Zig Dulay.
Kabilang sa mga artistang tampok sa mga pelikulang kalahok ay sina Cherry Pie Picache, Bembol Roco, Jackie Rice, Neil Ryan Sese, Pancho Magno at James Blanco.
Magsisimula ang ToFarm sa July 13 at magtatapos sa July 19 kung saan mapapanood ang mga pelikulang kalahok sa SM Megamall at SM North Edsa.
Pahayag ng Festival Director na si direk Maryo J. de los Reyes, iikutin ng anim na pelikulang ito ang iba’t ibang lalawigan ng bansa.
“Alam naman namin na mahihirapan ang karamihan sa mga magsasaka na mapanood ito sa mga sinehan, kaya ang mga pelikula na mismo ang lalapit sa kanila,” pahayag ni direk Maryo.
Sa July 19 ang awarding nito na kung saan tatanggap ng P500,000 ang Best Film, P400,000 sa 2nd Best Film, at P300,000 sa 3rd Best Film.
May matatanggap ding pabuya ang Special Jury Prize.