Gov’t execs, 5-taon babawalang bumalik sa dating kumpanya

Upang masiguro na talagang interes ng taumba­yan ang pinagsisilbihan ng mga government executive na mula sa mga malalaking kumpanya, hinamon ng mga mambabatas ang mga ito na huwag bumalik sa kanilang mother company sa loob ng limang taon pagkatapos ang kanilang termino.

Ginawa ng mga mambabatas sa Kamara ang nasabing hamon matapos ang tila loyalty check na ginawa ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez sa ilang executives ng Department of Transportation (DOTr) na mula sa malalaking kumpanya tulad ng Ayala.

“Huwag na tayong maglokohan. Pagkatapos nu’ng administrasyon ng isang presidente, babalik ulit ‘yan sa kanilang mother corporation. Ginawa ‘yan ni Secretary (Energy Jose) Almendras, ni (Public Works Sec. Rogelio) Singson, ni (dating Transportation Sec. Joseph Emilio) Abaya, at ni (dating Finance Sec. Cesar) Purisima,” ani Alvarez sa budget hearing ng DOTr kamakalawa.

Kabilang sa mga dating tauhan ng Ayala na undersecretary ngayon ng DOTr ay si USec. Noel Kintanar habang si Usec. Robert ‘Bobby’ Lim ay mula naman sa IATA o International Air Transport Association. Tinanong ang mga ito ni Alvarez kung interes ng gobyerno o ng kanilang pinanggalingang kumpanya ang kanilang misyon.