Government channel ilalarga panlaban sa fake news

Magkakaroon na ng libreng internet at signal ng telebisyon ang lahat ng barangay, lalo na ang mga liblib na lugar sa Pilipinas, oras na maipakalat na ang 42,000 satellite receivers sa buong kapulunan, ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar.

Sa pamamagitan nito, maipapakalat din ng pamahalaan ang mahahalagang impormasyon mula sa mga ahensiya ng gobyerno, lalo na ang balita tungkol sa sama ng panahon at mga para­ting na bagyo.

“Meron po tayong government bulletin board diyan at meron tayong mga channel about weather, channel po ng DILG, channel po ng AFP, Department of Health. At the same time bukod dun makakatanggap po sila ng signal ng telebisyon through satellite, they will also receive free internet sa government satellite network receiver,” paliwanag ni Andanar.

Lalo umanong mapapalapit ang taumbayan kay Pangulong Duterte dahil kahit nasa bundok sila ay maaari na silang tawagan ng Pangulo.

“Kung ikaw po nasa pinakabundok at tapos gusto kang tawagan ni Presidente puwede po ka­yong mag-usap ni Presidente from Malacañang to…sabihin na natin barangay San Roque sa liblib na lugar na walang internet at walang mobile signal,” wika ni Andanar.

Tinatapos na lang aniya ang paggawa ng satellite dishes at receivers, at oras na matapos ito ay agad itong ipapakalat ng Department of Interior and Local Government.

“Talagang panlaban ito sa disinformation at fake news,” pagtatapos ng kalihim sa isang radio interview.