Cristy Fermin
Bihira lang palang magpagawa ng sarili niyang damit ang isang aktres. Kundi siya nanghihiram sa mga designers ay umaasa na lang siya sa wardrobe department ng network kung saan siya nagseserbisyo.
Lalo na kapag kailangan niya ng gown para sa mga okasyong naiimbitahan siya, hindi gumagastos ang female personality, hiram kung hiram lang siya sa mga kaibigan niyang designers.
Pero ngayon, ayon sa aming source, ay wala nang nahihiraman ng gown ang magandang aktres. Nadala na sa kanya ang magkakaibigang designers na lahat ay nahiraman na niya ng gown.
Kuwento ng aming impormante, “Hindi kasi siya marunong magsoli ng mga hinihiram niyang gown. Kailangan pa siyang tawag-tawagan ng secretary ng designer. Hindi siya responsable sa panghihiram.
“‘Yung isang designer, taon na ang binibilang bago siya nagsoli ng hiniram niya. Kundi pa sinabi ng secretary na ipaba-blind item siya sa mga reporters, e, hindi pa niya isosoli ang gown na isinuot niya sa isang awards night!
“‘Yung isang designer naman, inis na inis, kasi nga, three days lang ang paalam niyang hihiramin ang isang bonggang-bonggang gown, pero three months na ang nakararaan, waley pa rin!
“Palaging wala siya sa bahay, nakaalis na kuno para sa shooting, kapag tinatawagan naman siya sa cellphone, e, hindi siya sumasagot!
“Sa inis ng designer, e, ipinasabi na lang niya sa secretary na huwag nang isoli ang gown, ‘yun na lang ang gamitin niya sa wake kapag may nangyari sa kanya!
“O, e, ‘di ipinasoli niya ang gown sa PA niya! Ayaw pa niyang mategi, ayaw pa niyang paglamayan na suot ang gown na matagal na niyang hiniram pero hindi pa rin niya isinosoli!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.
Maganda pa naman ang aktres na ito kahit pa nagkakaedad na siya. Nagsimula siya bilang young star, nakapangasawa siya ng young actor pero nagkahiwalay rin sila agad. Nakakalasing ang name ng aktres na ito.
ABS-CBN malaking
kawalan ‘pag nagsara
Habang nagbibilang tayo ng buwan dahil malapit na naman ang Pasko ay tripleng pagbibilang ang ginagawa ng mga tagapamuno ng ABS-CBN dahil napakabilis ng paglipad ng panahon.
Malapit na ang Marso ng susunod na taon, nasa kumukulong tubig ngayon ang network dahil kailangan nilang mag-refile ng prangkisa, kailangan nilang kunin ang desisyon ng mga mambabatas kung mapagbibigyan sila.
Hindi lang ang mga ehekutibo ng istasyon ang parang may nakaambang punyal sa tapat ng kanilang ulo ngayon kung bibigyan ba sila ng prangkisa o hindi, maging ang kanilang mga empleyado at mga artista ay ganu’n din ang ipinanga-ngamba, paano nga naman kung mabigong makakuha ng lisensiya ang nangungunang network para ipagpatuloy ang kanilang negosyo?
Kauna-unawa ang pagpirma ng mga personalidad na nagtatrabaho sa network para ipakita ang kanilang suporta at panawagan na sana’y magbago pa ang isip ni PRRD sa kanilang hiling.
Totoo naman ang kanilang punto na ang telebisyon ang pinakamurang paraan ng liba-ngan ng mga kababayan natin. Pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho ay magbubukas sila ng TV, itututok sa paborito nilang programa, at tanggal na ang stress at pagod nila sa buong araw.
Pero malalim ang problema, may kailangang bayarang pagkakautang ang istasyon na bilyunan ang numerong sangkot, kapag nagkita sila sa gitna ng senaryo ay malaki ang pag-asang mabigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Nakakalungkot naman talaga kapag hindi na umandar ang makinarya ng Dos. Naturingan pa namang numero unong istasyon ang nalalagay ngayon sa gipit, napakalaking kawalan nila sa hanay ng media, kapag hindi sila nabigyan ng lisensiya.
Pero anumang posibilidad ay maaaring mangyari pa rin, hindi dapat malugmok sa kalungkutan ang mga maaapektuhan kapag tumigil na sa pag-ere ang network, kailangan lang tuparin ng network ang mga hinihinging kundisyones sa kanila para hindi tumigil ang kanilang pagseserbisyo sa publiko.
Sana nga ay matitibay ang mga tulay na tinatawiran ngayon ng network para hindi sila mabigo.