Grab bawas pasahe pakunswelo lang

Binawasan ng Grab ang kanilang surge pricing ngayong Kapaskuhan pero hindi kumbinsido si Senador Sherwin Gatchalian sa ginawa ng kompanya at sinabing hindi naman nito matutugunan ang mga reklamo laban sa mataas na singil ride-hailing firm.

Nabatid na noong Biyernes binawasan ng Grab ang kanilang surge pricing cap na mula 2x ay ginawang 1.7x matapos pulungin ng mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga kompanyang sangkot sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) hinggil sa mga reklamo ng mga pasaher na kwalan ng available na driver at sobrang paniningil.

Naroon sa pagpupulong si Gatchalian at narinig nito ang mga pinag-usapan kung saan sinabi umano ng Grab na ibababa nito pansamantala ang kanilang surge cap pero hanggang sa Disyembre 24 o bisperas lang ng Pasko.

Hindi kumbinsido ang senador sa naturang hakbang ng Grab.

“Bagamat makakatulong ito sa mga pasahero, para sa akin hindi ito ang long-term na solusyon upang matugunan ang problema sa mataas na pamasahe ng Grab na patuloy na nagpapahirap sa ating mamamayan,” anang senador.

Sinabi ni Gatchalian na maghahain siya ng isang resolusyon sa Senado para magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa operasyon ng Grab.

“Maghahain ako ng resolusyon upang busisiing mabuti kung ano ba ang puno’t dulo ng problema sa surge pricing,” ani Gatchalian.

Hindi aniya makatutulong ang pansamantalang solusyon dahil magpapatuloy lamang ang problema ng mga pasahero sa surge pricing ng Grab kung hindi ito maiimbestigahan mabuti.