Hinimok ng isang mambabatas ang pamunuan ng Grab na bawasan hindi lamang ang surge charge na sinisingil sa kanilang mga pasahero kundi maging ang komisyon na kinukuha sa mga driver nila kahit nga­yong Kapaskuhan man lang.

“Even just until the end of December, please mo­derate your greed. Magtira naman kayo ng kita para sa mga dri­ver. Maawa naman po kayo sa mananakay na wala namang choice kundi sumakay sa inyo,” paha­yag ni PBA Party-list Rep. Jericho Nograles.

Mungkahi pa nito na puwede rin magbigay ng diskuwento ang Grab sa kanilang mga loyal rider at dri­ver nga­yong Kapaskuhan.

Giit ni Nograles na sobra na ang hinihinging komis­yon ng Grab sa kanilang mga driver kahit nahihirapan na rin ang mga ito na makakuha ng pasahero dahil na rin sa grabeng trapik.

Nais ni Nograles na ibaba ng Grab ang kanilang komis­yon sa mga driver ng limang porsiyento.

Nanawagan pa ito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tularan aniya ang ginawa ng Philippine Competition Commission na pinagmulta ang Grab dahil sa overcharging sa kanilang mga pasahero.

Samantala, banta naman ni LTFRB chairman Martin Delgra III na hindi sila mangingiming bawiin ang permit to operate ng mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) tulad ng Grab sakaling magpatuloy ang mga ito sa mataas na singil sa pasahe.

Ayon pa kay Delgra, ipinatawag na niya ang mga may-ari ng TNVS upang magpaliwanag kung bakit tumataas ang pasahe nila kapag dumarating ang holiday season. (JC Cahinhinan/Dolly Cabreza)