Muling binatikos ng isang mambabatas ang kompanya ng Grab Phi­lippines dahil sa hindi­ umano pag-ako ng buong responsibilidad sa isang estudyante ng University of Santo Tomas (UST) na nadisgrasya habang sakay ng isa sa mga drayber ng natu­rang Transport Network Vehicle Service (TNVS).

Kasunod na rin ito ng reklamo ng pamilya ng 20-anyos na biktimang si Marko De Guzman, mechanical engineering student ng UST, na nag-alok lamang ng maliit na ha­laga ng tulong pinansiyal ang Grab at tumangging sagutin ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng nadisgrasya.

Katuwiran umano ng Grab, hindi naman direktang empleyado ng kompanya ang drayber na sangkot sa aksidente.

“Grab as a common carrier has a legal duty of extraordinary responsibility over the passengers. They are presumed to be at fault for the negligence that led to serious personal injury on the UST student,” paha­yag ni Puwersa ng Ba­yaning Atleta Party-list Rep. Jericho Nograles.

Wala pang komento ang Grab hinggil dito.

Samantala, isang buwan na umano bukas, Lunes, matapos ang aksidente na nangyari kay De Guzman, ay nanana­tili pa rin ito sa intensive care unit (ICU) ng Manila Doctors Hospital.

Nabatid sa ulat ng Manila Police District-Traffic Bureau na nasa ICU pa rin ang biktima matapos ang aksidenteng nangyari noong Oktubre 26 dakong alas-kuwatro nang madaling-araw sa Taft Avenue, Maynila habang sakay ito ng isang Grab car.

Hindi naman nasaktan ang Grab driver at kasamang kaibigan ni De Guzman pero malubha itong nasugatan dahil ang nabangga nilang scaffolding ay bumagsak sa kotse at tumama sa kanyang ulo. Natutulog umano ang biktima ng mangyari ang insidente.

Dahil sa insidente, sinabi ng pinsan ng biktima na si Steffi na nagtamo ito ng severe traumatic brain injury.

“He had to go through a very complicated brain surgery just to have a slim chance of survi­val… If he survives at all, he will have to face deficits because of the brain injury, including loss of all lear­ning and comprehension, weakness in his limbs and spastic body movements na posibleng hindi na pwede i-therapy,” ayon pa kay Steffi.

Nalaman nang kausapin ng ina ng biktima ang Grab driver ay nalaman na inaantok na umano ito nang mangyari ang insidente.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to physi­cal injuries ang Grab driver habang umaabot na rin umano sa P3 mil­yon ang babayaran sa ospital ng pamilya ng biktima at posibleng puma­lo pa ito hanggang P6 mil­yon.