Sa kulungan bumagsak ang isang Grab driver pati na ang kaibigan nito na umano’y mga tulak ng iligal na droga matapos madakip sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang nadakip na sina Michael John Cantil, 29-anyos, Grab driver, taga-Phase 2, ­Package 1, Lot 21, Block 23, Barangay 176, Bagong Silang at Marvin Bueno, 20-anyos, ­tricycle driver, taga-Phase 8, Barangay 176, Bagong ­Silang, Caloocan City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, ala-una ng madaling-araw ay nagkasa ng buy-bust operation sina P/Sr. Insp. Celso M. Sevilla, head ng Police Community Precinct (PCP) 5, sa Phase 3B, ­Barangay 175, Camarin ng nasabing lungsod.

Target ng mga pulis sina Cantil at Bueno kung saan si PO1 Roger Abrenica ang nagkunwaring poseur buyer at iiskor ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P1,000.

Sakay ng Hyundai Accent na may conduction sticker (MT 0341) ang mga suspek nang dumating ito sa lugar ng pag-aabutan ng droga.

Nang iaabot na ni Cantil ang isang pirasong pinatuyong dahon ng marijuana sa plastic sachet kay PO1 Abrenica, dito sila dinamba ng mga SDEU.

Nakuha pa kay Cantil ang isa pang plastic sachet at dalawa kay Bueno kasama ang buy-bust money.