Grab driver sa Pampanga, 2 sa Batangas may COVID

Kinumpirma ng mga awtoridad na mayroong dalawang kaso ng nagpositibo sa Coronavirus DiĀ­sease (COVID-19) sa Batangas City kaya agad na pinatupad ng lokal na pamahalaan ang mahigpit na pagpapatupad ng mga kautusan para mapigilan ang pagkalat nito.

Ayon kay Batangas City Health Officer Dr. Rosanna Barrion, dinala sa medical facility sa Metro Manila ang dalawang nagpositibo sa COVID-19.

Dahil dito nagpatupad si Batangas City Mayor Beverly Rose Dimacuha ng suspensiyon sa klase ng lahat ng antas ng eskuwelahan, gayundin ang mga hakbang para maiwasan pa ang pagkalat ng sakit.

Samantala, hinayag din ni Pampanga Governor Dennis Pineda ang unang kumpirmadong biktima ng COVID-19 sa probinsiya na ginagamot ngayon sa isang ospital sa Metro Manila.

Batay sa ibinigay na impormasyon ng kanyang pamilya, ang pasyente ay isang Grab driver na bumibiyahe sa rutang Clark Freeport at lalawigan ng Pampanga.

Maliban dito, walang foreign travel ang 30-anyos na pasyente. Isinasailalim na sa monitoring ang dalawang nakasalamuha nito. (Rudy Abular)