Matapos ang isang buwan na pagmamanman, dinakma ng mga pulis ang isang Grab driver sa isinagawang buy-bust operation sa Cubao, Quezon City Linggo ng gabi pero ilang pakete na lamang ng shabu ang narekober sa kanya matapos umanong lunukin ang iba nito.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. ang suspek na si Kristofer Jay Gavino, 37-anyos at residente ng Sampaloc, Maynila.

Dakong alas-nuwebe ng gabi nang maaresto si Gavino ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Cubao Police Station 7 at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa loob ng Room No. 18 ng Taxi Apartelle na matatagpuan sa P. Tuazon Boulevard.

Isang pulis ang nagpanggap na bibili ng P500 halaga ng shabu kay Gavino at nang magkaabutan na ng droga at pera, agad na inaresto ito.

Ayon kay SDEU chief Senior Inspector Ramon Aquiatan, nang maaresto ay nilulon pa ng suspek ang ilang sachet ng shabu kaya’t siyam na lamang ang nakumpiska sa kanya.

“Ang pagkakasabi ng poseur-buyer natin, nu’ng nagpakilala silang pulis at pagpasok sa kuwarto, hinawakan ‘yung nasa plastic na sachet rin ng shabu, na hindi nila malaman kung ilan, at nilunok agad,” ani Aquiatan.

May isang buwan na umano nilang minamanmanan ang suspek na nagpapalipat-lipat ng apartelle, bago naisagawa ang buy-bust operation.