Binakbakan ng dalawang senador ang umano’y panloloko at lantaranggang panggagantso ng Grab na sinasamnatala ang kanilang mga customer ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Hindi umano sapat ang paghingi ng Grab ng pasensya dahil sa kanilang ginagawang panloloko o pandaraya sa kanilang mga kustomer, ayon kay Senadora Leila De Lima.
“Asking your users for more patience is not enough. Ensure you are fully committed to the rights of your consumers. Do not take them for a ride with excuses; do not deceive or cheat them,” pahayag ni De Lima sa isang statement kahapon.
Ginawa ng senadora ang pahayag matapos makarating sa kanya ang impormasyong halos doble na booking prices ng Grab ngayon holiday reason na isa aniyang pagsasamantala sa publiko.
“It has come to my attention that the booking prices of Grab have surged lately, sometimes even double the usual fare. And because it is the holiday season, I was told it is also much difficult now to book a ride, especially during rush hour,” sabi ni De Lima.
“The ride-hailing app company points to higher demand as the cause. This comes at the heels of Grab being asked by authorities to refund its customers for overpricing the cost of their rides,” dagdag pa nito.
Sa kabila ng mas mahal na pamasahe, sinabi ng senadora na dapat suklian ng Grab ang maayos na serbisyo sa kanilang libo-libong mga kustomer.
“Marami nating kababayan ang gumagamit ng mga ganitong app para makaiwas sa kalbaryong dulot ng napakabigat na traffic, para hindi ma-late sa trabaho, makaltasan ng suweldo, mapagalitan ng boss, at lalo na, para makauwi nang mas maaga at makapiling ang pamilya,” ani De Lima.
“Suklian naman sana ang pagtangkilik na ito ng malasakit, maayos at makatarungang serbisyo para sa kanila,” saad pa nito.
Nanawagan din si De Lima sa awtoridad na masusing bantayan ang Grab at siguruhing walang nangyayaring pagsasamantala.
“Sa ganitong paraan, pare-pareho nating mararating ang gusto nating destinasyon: ang maaliwalas na biyahe kung saan walang nadedehadong Pilipino,” sambit pa nito.
Maging si Senadora Imee Marcos ay naimbiyerna na rin sa ginawang pag-abuso at pananamantala ng Grab lalo na’t nag-iisa lang sila at walang laban.
“Grabe ubos sahod mo sa Grab kahit share pa ‘yan talagang saksakan ng mahal tapos ang dami pang ‘di uma-appear na driver, ano ba yan! Palibhasa iisa sila, ‘yung iba nag-aangkas kaso ang angkas hanggang Dec. 31,” sabi ni Marcos.
“Napakahirap naman nito, nakakainis, sana may ibang pumasok ‘yung iba raw binigyan ng permit pero ‘di pa nagooperate kaya walang kalaban si Grab,” sabi pa nito.
Nanawagan din ito sa publiko na i-report sa LTFRB ang mga GRAB driver na nananamantala ngayong holiday season.
“I-report natin sa LTFRB kasi sumusobra na sila dahil wala ka naman choice. Hindi dapat ganyan ‘wag nilang sinasamantala ang Pasko talaga namang nakakainis,” sabi pa ni Marcos. (Dindo Matining)