Grab rider kalaboso sa dalang alak

Dinampot ang isang Grab express motorcycle rider nang mahulihan ng mga alak sa quarantine checkpoint sa Batasan-San Mateo Road, sa Quezon City, Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Ronnie Montejo ang naarestong si Ronnie De Leon, 32, ng San Jose Del Monte, Bulacan.

Sa report, dakong alas-2:20 ng hapon habang nagsasagawa ng quarantine checkpoint ang mga tauhan ng District Mobile Force Battalion (DMFB) sa pamumuno ni PLt. Col. Christopher Olazo sa nasabing lugar nang pinahinto ng mga pulis ang suspek habang sakay ng kanyang motorsiklo.

Inatasan ng mga pulis si De Leon na buksan ang kanyang delivery box at dito tumambad ang mga bote ng mga alak kaya agad itong inaresto dahil sa paglabag sa liquor ban.

Nakumpiska sa Grab driver ang dalawang bote ng 700ml na The Bar Lime Gin, isang bote ng 750ml. Embassy Premium Blended Whisky at isang bote ng 750ml ng Tanduay Rhum.

Patong-patong na asunto ang kakaharapin ng rider. (Dolly B. Cabreza)