Isang kautusan ang inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saan kinakailangang ipatupad ng mga taxi at transport network vehicle service (TNVS) katulad ng Grab na bumibiyahe sa mga lugar na isinailalim sa general community quarantine (GCQ) ang cashless o online payment sa kanilang mga pasahero para iwas hawa sa COVID-19.

Base sa Memorandum Circular 2020-018 na inisyu ng LTFRB nitong Biyernes, pinapayagan ng ahensya na makapag-operate na simula ngayong Sabado, Mayo 16, ang mga taxi at TNVS na may valid certificate of public convenience (CPC) o provisional authority (PA) subalit dapat na sumunod ang mga ito sa guideline.

Nakasaad sa memorandum circular na ang mga TNVS operator katulad ng Grab Philippines ay dapat maningil at mag-booking sa kanilang mga pasahero sa pamamagitan ng electronic o online payment.

Kailangan din umanong rehistrado ang TNVS at may valid personal passenger insurance policy.

Para sa mga taxi operator naman na may valid CPC o PA, kailangang mayroon itong internet/web-based app mula sa accredited Transport Network Company (NTC) para sa kanilang booking at online payment transaction.

Ang mga “street-hailed” taxi ay kinakailangang may calibrated meter at inatasang mag-enroll o magparehistro sa mga electronic payment provider para sa cashless transaction.

Kailangan din sa mga taxi na may valid personal passenger insurance policy bukod pa sa ibang requirement na nakasaad sa LTFRB Memorandum Circular 2017-026 katulad ng GNSS receiver, dashboard camera, closed-circuit television, at online digital platform o application.

Nakasaad din sa memo ng LTFRB ang iba pang guideline para makapag-operate ang mga taxi at TNVS sa mga lugar na isinailalim sa GCQ katulad ng daily record ng kanilang mga pasahero para maging madali ang contact tracing kapag kinailangan ng LTFRB o ng iba pang ahensya ng gobyerno.

Mananatili pa rin ang kasalukuyang fare rate para sa mga taxi at TNVS.

Nauna rito ay nag-isyu rin ng public health safety protocol ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases para sa mga pampublikong sasakyan sa mga GCQ area.

Kabilang sa protocol ang pagsusuot ng face mask at guwantes ng mga public utility driver, pagpapatupad ng no mask, no ride sa mga pasahero, regular disinfection, at pagbabawas ng passenger capacity ng mga taxi at TNVS na nilitahan sa dalawang pasahero kasama na ang driver. (PNA)