Nakakagigil ang posisyon ng Grab Philippines sa naaksidente nilang pasahero.

Nagka-brain injury ang pasaherong si Marko De Guzman na isang 20-anyos mechanical engineering student ng University of Sto. Tomas (UST).

Pero ayon sa Grab wala raw silang pananagutan sa naaksidenteng costumer.

Ayon sa mga kaanak ng estudaynte, nag-alok lamang ng maliit na halaga ng ayudang pinansiyal ang Grab at tumangging sagutin ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng nadisgrasya.

Katwiran umano ng Grab hindi naman direktang empleyado ng kompanya ang driver ng naaksidenteng pasahero.

Batay sa mga ulat, kritikal ang biktima matapos mabangga ang inaantok na Grab driver.

Hindi ba’t nakakagigil ang diskarteng ito ng Grab?

Pagdating sa kagipitan ay naghuhugas-kamay, pero kapag sa kitaan ay hindi maisahan.

Ito na nga ba ang kinatatakutan nating pangyayari sa pagkakaroon ng ganitong uri ng mode of transportation?

Lumabas ang tunay na problema na noong una ay kinatatakutang mangyari ng marami nating kababayan.

Kaya sana mapag-aralang mabuti ng mga kinauukulan ang mga butas sa ibinigay na karapatan sa Grab.

Hindi naman tamang kapag nasasangkot sa aksidente ang tinagurian pa naman nilang rider-partner ng Grab ay ililigtas nila ang kanilang sarili sa res­ponsibilidad.

Magsibling panggising sana sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang aksidenteng ito upang sa gayon ay mabigyan naman ng proteksyon ang mga pasahero ng Grab na tila hostage na dahil wala naman ibang opsyon maliban sa taxi na sasakyan.

***

Natinag din ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga ulat na may mga hindi dokumentadong Intsik na mga manggagawa ang nakakalat ngayon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kaya naman hinikayat ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang publiko na isumbong sa kanila ang mga ganitong ulat upang agad nila itong maaksyunan.

Gayunman ay nilinaw ng kalihim na hindi lamang mga Chinese national ang kanilang target, kundi maging ang ibang dayuhan, tulad ng mga Koreano at mga mula sa Gitnang Silangan na nasa Pilipinas.

Unang-una prayo­ridad daw ayon sa DOLE ng gobyerno na mabigyan ng trabaho ang mga Pinoy, kaysa sa mga dayuhan.

Hindi nga Secretary Bello, eh ano po ang masasabi niyo sa mga nagkalat na mga manggagawang Intsik na nagtatrabaho diyan sa may tulay sa ilog Pasig na sakop ng Plaza Mexico sa Intramuros?

Exempted ba ang mga Chinese na ito sa inyong kautusan?

Nakakagalit kasing makita na napakarami sa ating kababa­yan ang walang trabaho pero itong mga dayuhan ay nabibigyan pa ng oportunidad na magtrabaho.

Dahil ba sa kanila manggagaling ang pondong gagamitin sa proyekto diyan?

Huwag naman sanang ganyan. Kahit sa kanila galing ang pondo, ibigay pa rin sa mga kababayan nating salat sa trabaho ang oportunidad.

Huwag n’yo ipagkait sa ating mga kababayan ang pagkakataong magkaroon ng kayod sa pamamagitan ng mga inilulunsad na proyekto ng gobyernong Duterte.