Hindi sa pagbubuhat ng bangko, pero lagi akong naiimbitahang maging Commencement Speaker sa mgacgraduation ceremony.

Katunayan, may naka-schedule ako noong katapusan ng Marso. Pero dahil sa lockdown, naunsiyami ito.

Iba ang pakiramdam na makapagbigay ng inspirasyon sa mga magtatapos. Siyempre, feeling heaven naman ang graduates dahil at last, after years of hard work – tapos na sila ng pag-aaral. Kumbaga, on to the next level!

Graduating student ka ba? O may anak na ga-graduate this school year? If yes, marahil isa ka rin sa mga lubos na nalungkot nang ilabas ng DepEd ang memorandum na nagsasabing hindi matutuloy ang graduation rites sa gitna ng banta ng COVID-19.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, alam niya naman daw na disappointment ito para sa marami pero hindi na nga raw ito mapahihintulutan sa kasalukuyang sitwasyon.

Marami ang nag-react violently sa pasya ng DepEd. Ang ibang estudyante nga, na-misinterpret pa ang DepEd at inakalang cancelled na talaga ang graduation nila.

Paglilinaw ng departamento, hindi naman daw cancelled kundi postponed lang ang graduation rites dahil nga sa patuloy na paglaganap ng virus sa bansa.

Sa inilabas na memo ng DepEd, nakadepende pa rin sa Parent-Teacher Association ng mga eskwelahan ang pasya kung itutuloy ang graduation pagkatapos ng Enhanced Community Quarantine o ECQ sa kani-kanilang lugar. Nilinaw rin sa memo na kung itutuloy ang graduation matapos ang ECQ, nararapat pa ring masunod ang physical distancing protocol ng Department of Health.

Masaya ang grad-waiting students dahil may pag-asa pa ring matuloy ang kanilang inaasam-asam na pag-akyat sa stage at maramdaman ang malaking milestone na kanilang narating sa buhay.

Matuloy man o hindi ang graduation rites sa hinaharap, mananatili akong saludo sa mga mag-aaral na nagsipag at nagsunog ng kilay para makamit ang tagumpay!