Grade 10 nalasog sa tren

Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang Grade 10 student matapos masagasaan ng tren ng Philippine ­National Railways (PNR), kaha­pon ng hapon sa may Vito Cruz, Maynila.

Kinilala ni PNR Ope­rations Chief Joseline Geronimo ang biktima na si Joseph Bunar, grade 10, estudyante sa San Antonio National High School, na namatay noon din.

Nabatid na dakong alas-5:06 ng hapon naganap ang insidente sa riles ng tren sa may Vito Cruz Station.

Ayon kay ­Geronimo, nakababa na umano ang barera at nakita naman umano ng biktima na ga­ling sa eskuwelahan pauwi sa kanilang bahay, na paparating ang tren, pero dahil nakasuot ito ng ‘headset’ hindi niya narinig ang sigawan ng mga tao.

Inakala rin ng biktima na ang nasa southbound lang ang parating, at hindi nito napansin ang paparating sa northbound na tren na nasa likuran na niya. Nagtuluy-tuloy pa rin ito sa paglalakad, hanggang sa masagasaan ng tren na mula sa northbound.

Napailalim ang kawa­wang biktima kung kaya kinailangan pa itong hugutin sa ilalim ng bagon ng tren.

Dagdag pa ni Gero­nimo, makakakuha naman ng tulong pinansiyal ang biktima, dahilan na rin umano sa ‘humanitarian reasons.’