Kamot sa ulo ang isang Grade 11 student matapos mahulihan ng marijuana residue na nakasilid sa improvised glass pipe makaraang inspeksyunin ng security guard ang bag nito papasok sa paaralan kamakalawa sa Barangay Caniogan, Pasig City.

Sa nakalap na report mula sa tanggapan ni Eastern Police District Director PBGen. Johnson Almazan, dinala na sa pangangalaga ng DSWD-Pasig si alyas Rap-rap, 17-anyos, Grade 11 ng Arellano University-Pasig.

Inaresto si Rap-rap alas-2:05 Biyernes nang hapon habang papasok sa entrance gate 1 ng campus matapos inspeksyunin ng security guard ang backpack nito at makita ang isang improvised glass pipe with suspected traces of marijuana at isang disposable lighter kaya agad na naghinala ang sikyo at dinala ang estudyante sa barangay.

Nagpositibo sa marijuana ang nakitang improvised glass ng estudyante kaya dinala na ito sa Pasig Police. (Vick Aquino)