Kalaboso ang apat na lalaki kabilang ang tatlong menor-de-edad matapos nilang gahasain ang isang Grade 11 na babae sa Alcala, Pangasinan noong Miyerkoles.

Ayon sa Alcala Police Station (APS), ang pagkakakilanlan ng biktima at mga supek ay hindi muna pina­ngalanana para sa follow-up investigation.

Sinabi ng APS na bago naganap ang insidente, ayon sa testimonya ng lolo ng biktima na si mang Alfonso (hindi tunay na pangalan), hindi nakauwi ang biktima na kadalasang umuuwi ng alas-2:30 hanggang alas-tres nang hapon.

Ayon kay mang Alfonso, nagtaka siya dahil dis-oras na nang gabi nang umuwi ang biktima na ginahasa pala ng apat na suspek na kanyang kakilala.

Lumitaw na habang palabas na ang biktima sa paaralan sa Bayambang, Pangasinan ay hinarang siya at inimbitahan sa birthday party ng isang kaibigan.

Sa pahayag ni Alcala Municipal Social Welfare and Development (AMSWD) chief Evangeline del Castillo, pagkatapos uminom ay ipinasok ang biktima sa isang kuwarto at doo’y halihinang ginahasa ng mga suspek.

Ang tatlong menor-de-edad na suspek ay nasa pangangalaga ngayon ng AMSWD habang ang isa sa kanila ay kinulong sa APS. (Allan Bergonia)