Grade 11 pinagbintangang nagnakaw, binugbog ng 2 pulis

Isang pulis at kaibigan nitong pulis din pero nag-AWOL (absent without official leave) sa serbisyo ang inaresto ng kanilang mga kabaro makaraang bugbugin ang isang grade 11 student at pinagbantaan pang papatayin ang pamilya nito sa Navotas City kamakalawa nang gabi.

Kinilala ang mga suspek na sina PO1 Louie Badajos, 28-anyos, taga-Sampaloc, Maynila at nakatalaga sa Makati City Police Station at dating PO1 Sean Tabarangao, 28-anyos ng Barangay 22, Caloocan City.

Ayon kay Sr. Supt. Brent Milan Madjaco, nagroronda sa lugar sina PO1 Ramil Sancho Lee at PO1 Glen Ocampo Jr. nang mamataan nila ang mga suspek na ginugulpi ang 17-anyos lalaking estudyante dahil umano sa pagnanakaw nito sa motorsiklo ni Badajos.

Bumunot pa umano ng baril si Badajos at tinutukan ang biktima saka pinagbantaang papatayin ito at ang kanyang pamilya.

Ayon kay Remedias Armada, ina ng biktima, hindi ninakaw ng kanyang anak ang motorsiklo ni Badajos kundi hiniram lamang ito pero nang ibinalik na ay pinagbintangang ninakaw ang nasabing sasakyan.